Pagtuturo… Pagsusulat…

Iibahin ko muna ang lenggwahe ng blog na ito, sa ngayon. Napansin ko kasi na, minsan, boring pala ang mag-straight English. Lagyan muna natin ng “variety”, `ika nga nila.

Mahigit isang buwan din akong hindi nakapag-sulat ng entry dito. Bagamat nangako ako sa sarili ko mula nang simulan ko ang pagsusulat dito, hindi ako papalya sa pag-bo-blog isang beses isang linggo. Pero minsan, tinatalo ka ng sarili mo. Hindi ko alam kung bakit, pero nitong mga nakaraang linggo, tila ba hirap na hirap akong kumbinsihin ang sarili ko na magsulat ng entry dito.

Katamaran… pagiging abala sa trabaho… katamaran… maraming iniisip na bagay-bagay… Katamaran… Mga problemang wala namang kinalaman sa pagsusulat… Ay ang daming dahilan…

Ngayon, wala na akong maisip na dahilan para ipagpaliban pa ang pagsusulat…

Kahapon, nagpunta ako sa Tarlac para magbigay ng journalism lecture sa mga batang manunulat ng mga pribadong paaralan na sasali sa National Press Conference, isang taunang kumpetisyon na nilalahukan ng mga “young journalists”. Kasama ko ang mga nakababatang “amihan” ng “The Varsitarian” (sa publikasyong The Varsitarian, amihan ang tawag sa mga dating staffers), pinaghati-hatian namin ang mga leksiyon. Akin ang Feature Writing, samantalang natira para sa iba ang News Writing, Sports Writing, Layouting, at Photojournalism.

Hindi ako bago sa ganitong kalakaran. May ilang beses na rin akong nakapagbigay ng lecture sa Feature Writing, sa iba’t ibang lugar at iba’t ibang paaralan. At lalong hindi ako estranghero sa mga National Press Conferences; nakasali na rin ako sa kumpetisyong ito nung nasa elementarya pa lamang ako. Alam ko na ang pasikut-sikot dito.

Nakakapanibago nga lang, dahil mahigit tatlong taon na nang huli akong nakapagturo ng pagsusulat.

Hindi madali ang mabilisang pagtuturong ito, dahil sa totoo lang, hindi naman talaga naituturo ang tamang pagsusulat. Maari kang magbigay ng “tips”, maaari mong ituro ang “basics”; maaari mong sabihin kung ano ang mga nararapat at ang mga hindi; maari mong ituro ang tamang “grammar”; maaari mong ituro ang pagbuo ng mga pangungusap at pagsama-samahin ito upang maging isang buong saknong; pero hinding-hindi mo maipapasa sa kanila o maituturo ang “style”. Naniniwala ako na ang bawat isa ay may kanya-kanyang “style” ng pagsulat.

Naging maayos naman ang pagtuturo ko; at the very least, alam ko na may natutunan silang bago sa akin. Nakakatawa nga lang, dahil habang nagtuturo ka, maiirita ka sa minsanang pakikipagharutan at pakikipagtuksuhan ng mga bata. Ay, high school at elementary kasi… Sabi ko sa sarili ko, pagpasensiyahan mo na, wala pang “gaydar” ang mga yan.

Pagdating ng workshop (pagbibigay ng critique sa kanilang mga sinulat), medyo hindi ako nasiyahan. Bagamat alam kong may mga talento naman ang mga kabataang ito, hindi pa ito sapat upang masabing maganda at mainam para panlasa ng hurado ang kanilang mga ginawa. Ayaw ko mang magkumpara, higit pang nakamamangha ang mga sinulat ng mga mag-aaral ng public schools na dati ko ring tinuruan sa Kalookan.

Ang sabi naman ng kasama ko, “Baka naman masyado lang mataas ang standards mo?”

Naitanong ko tuloy sa sarili ko, kailangan bang babaan ang standards kung talento at galing sa pagsusulat ang pag-uusapan, lalo na’t alam mong may kumpetisyon silang sasalihan?

Advertisements

~ by Yuri on Tuesday, 21 August 2007.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: